Thursday, January 23, 2014

LAPIT

Homily
Mark 3: 13-19
January 24, 2014, Friday, 6:00 AM Mass
Santo Domingo Church, Quezon City

LAPIT




KUWENTO SA PINTO NG LANGIT
Isang araw may tatlong nakapila sa pintuan ng langit. .isang artista, isang parlorista at isang seminarista. Nang bumukas ang pintuan ng langit,  lumabas si San Pedro.
Ang sabi ni San Pedro: maari po bang magpakilala muna ang bawat isa, ang kanilang ginawa sa lupa noong sila ay nabubuhay pa, at edad.

Ako po pala si Arden Jason isang artista, 28yrs old
Ako po pala si Stephanie Cyr, isang parlorista 30 yrs old
Ako naman po pala si Jose, isang seminarista, 21 yrs old

San Pedro: Points system po tayo dito sa langit, simple lamang po ang qualification, kinakailangan na mas marami ang nailapit ninyo sa Diyos kaysa sa iyong edad noong kayo ay pumanaw.  At Ibabase namin sa aming mga records.

Ayon sa aming records, Arden Jason, sikat na artista ka pala, at meron kang 300,000 followers sa twitter, at may 5,000 friends ka sa facebook.  Subalit wala ka man lang ni isang nailapit sa Diyos, lahat ng fans mo, sa iyo lumalapit, hindi sa Diyos, at dahil dyan zero point ka,  kaya hindi ka muna maaaring pumasok sa langit.

Ikaw naman Stephanie Cyria, marami ka palang customers sa parlor mo sa lupa, magaling ka mag make up at magkulot, at hindi bababa sa 25 ang customers mo kada araw. Subalit wala ka man lang  ni isang nailapit sa Diyos, sa halip ay lahat sila sayo lumalapit upang magpaganda at magmukhang bata, at dahil dyan zero point ka rin, kaya hindi ka rin muna makakapasok sa langit.

At ikaw naman Jose, ayon sa aming records madalas ka magbigay ng mga recollections sa mga students, nagbibigay ka rin ng mga talks sa mga Church organizations, at mabait kang seminarista, at kung bibilangin meron ka nang 25 na taong  nailapit sa Diyos, since 21 years old ka palang eh, mas marami na ang nailapit mo sa Diyos kaysa sa edad mo kaya maaari ka nang pumasok sa langit.

EBANGHELYO
Mga kapatid, ang Ebanghelyo sa araw na ito ayon kay San Markos ay patungkol sa pagtatalaga ng mga apostoles ni Kristo. At kung atin pong paghahambingin ang mga versions ni Matthew, Mark, and Luke patungkol sa pagtatalaga ng mga apostoles,  ang ating ebanghelyo sa araw na ito ayon kay Mark ay may dalawang pinagkaiba sa versions ni Matthew and Luke:

Unang pagkakaiba, bukod tangi ang mga salitang “they came to him” lumapit kay Kristo at “to be with him” makasama si Kristo sa version ni St. Mark.
Ito ay hindi lamang spatial (o pagtatanggal ng agwat at distansiya) bagkus ito ay ay paanyaya ng ating Panginoon na magkaroon ng relasyon sa kanya. Isang paanyaya na magkaroon ng panibagong buhay kasama siya. Samakatuwid,  Isang malapit na relasyon. Kaya bawal ang LDR sa Diyos. Bawal ang “Long Distance Relationship sa Diyos.

Pangalawang pagkakaiba, bukod tanging sa version lang ni Saint Mark natin makikita ang verb na “to preach” magpahayag.
Ito ay nangangahulugan ng isang misyon na binigay ni Kristo sa mga apostoles upang palaganapin ang mabuting balita. Ito rin po ay sumisimbolo sa pangkalahatang misyon ng Simbahan na palaganapin ang Mabuting Balita

Sumakatuwid, hindi lang po tanging mga Obispo, pari, seminarista at religious ang may misyon na magpahayag ng Mabuting Balita bagkus ito ay pangkalahatang misyon. Artista ka man,  parlorista, seminarista, teacher, businesswoman, government employee, office clerk, driver, nurse,  plain housewife, estudyante o isang retiree. Ikaw ay kasama sa mga inaanyayahan ni Kristo na lumapit sa kanya at ilapit ang ibang tao sa kanya.

ST. FRANCIS DE SALES
Kung maghahanap  po tayo ng halimbawa, magandang tularan natin si Saint Francis de Sales, na nagpanumbalik ng sigla ng Simbahang Katoliko noong panahon niya bilang isang Obispo ng Geneva. Marami rin siyang nailapit muli sa simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga turo, sinulat na aklat, at ang kanyang buhay na ipinamalas noong siya ay nabubuhay pa dito sa lupa.

ANG PAGKAKAPAREHO
Meron din naman pong pagkakapareho sa versions ni Matthew, Mark at Luke. Ito ay ang huling verse na kung saan sinasabi na ipagkakanulo ni Judas Eskaryote ang ating Panginoong Hesukristo.
Ito ay isang reminder na ang paglapit sa Diyos at ang misyon na maglapit ng kapwa sa Diyos ay hindi madaling misyon. Sapagkat ito ay magdadala sa atin sa kamatayan. Sumakatuwid, ang ating misyon na lumapit sa Diyos at maglapit ng kawa sa kanya ay isang misyong panghabang buhay, isang misyon hanggang kamatayan.

CLOSING
Madalas po natin marinig na ang dami-daming malayo, lumalayo, at lalayo pa sa Simbahang Katolika. Kaya naman sa araw na ito,
Lumapit sa Diyos at
Ilapit  ang ibang tao sa Diyos

Balang araw pipila rin tayo sa pinto ng langit, baka nga ito ang itatanong sa atin ni San Pedro at ang qualification para makapasok sa langit.
Ilang taon ka na?
Ilan na ba ang nailalapit mo sa Diyos?

Kung sa tingin natin ay ay wala pa o maaaring kulang pa, simulan na natin ang ating misyon.

No comments:

Post a Comment