December 15, 2013
10:00 AM
Matthew 11: 2-11
Holy Christmas
Wala nang sasaya pa sa Pasko sa Pilipinas! Happing happy ang Christmas sa Pilipinas!
Dito lang po tayo makakaranas na ang pagdiriwang ng Pasko ay nagsisimula sa unang araw ng September at nagtatapos sa Three Kings sa January. Sa sobrang haba po ng selebrasyon ng Pasko, halos makupas na po ang mga parol na nakasabit sa ating mga lansangan.
Kakaibang saya rin ang naidudulot ng Pasko dito sa Pilipinas. Andyan yung kaliwa’t kanang Christmas parties at reunions. Idagdag mo pa ang magdamagang pagshoshopping at corollings.
Kaya naman sa pangatlong linggong ng ating paghihintay, kakaibang kasiyahan ang ating ipinagdiriwang sa linggong ito, ito po yung tinatawag nating, Gaudete Sunday (kung isasalin po natin sa inglesRejoice Sunday!) kung sa wikang Filipino naman po, Linggo ng Kagalakan! Kung nakinig po kayo sa first reading from Isaiah, nabanggit po doon ang paghihintay sa Diyos ng may kagalakan. Kaya naman inaanyayahan ko po kayo na batiin ang inyong katabi, sabihin mo, “kapatid, Happy Christmas!”
kung mapapansin rin po ninyo, nakasindi na po ang color pink na kandila, kakaiba rin po ang kulay ng aking vestment, kulay pink. Hindi po ito trip trip lang, ito po ay umisimbolo ng kagalakan, Happy Christmas!
Sa nalalapit na pagdating ng ating Panginoon, kailangan nating maghintay na may kagalakan, at maghintay ng mabuti. Kaya sa ating binasang Ebanghelyo ayon kay San Mateo, nagtanong si San Juan Bautista: Are you the one who is to come or should we expect someone else? (May iba pa bang darating, o ikaw na ang aming hinihintay?)
Ang tanong na ito ay bunsod ng kanilang paghihintay ng tagapagligtas. Marahil magandang pagnilayan natin ang paghihitay.
Habang panahon ng advent, kung anu-anong paghahanda ang ginagawa natin, kailangan malinis ako sa paskong darating, kaya naman nagbababad tayo sa mga parlor at spas upang luminis at kuminis. Nalimutan na yata ang paglilinis ng kaluluwa.
Ayaw na nating pumila sa mga kumpisalan upang magbalik-loob sa Diyos, sa halip mas pumipila pa tayo sa mga sinehan at mga tindahan ng donuts.
Simot na simot kapag nagshoshopping, habang tipid na tipid naman sa pagbibigay ng offering.
Wala naman pong masama sa pagiging masaya sa Pasko. Sa katunayan hinihikayat pa nga tayo ni Pope Francis sa kanyang latest na apostolic exhortation “Evangelii Gaudium na maging masaya. Ang nakakabahala po kasi na masyado na tayong happy sa darating na Pasko, at nakalimutan na nating maging “holy” . Tanungin mo ang katabi mo, sabihin mo: Kapatid, Holy ba ang Christmas mo?
Ang Panginoon po ang darating sa ating buhay, patuluyun natin siya ng may kagalakan at kabanalan.
Sa paskong darating, gawing holy ang pasko, magbalik-loob tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pangungumpisal.
Sobrang lapit na po ng Pasko my brothers and sisters, huwag nating hayaang maging happy Christmas lang ang ating pasko. Gawin din natin itong, “Holy Christmas”
Dahil ang tunay na kagalakan ay matatagpuan sa kabanalan!
No comments:
Post a Comment